JoomlaLock.com All4Share.net

Share This Post:

Submit to FacebookSubmit to Google PlusSubmit to TwitterSubmit to LinkedIn
AT YOUR  SERBIS: BAGONG HAMON KAY VP ROBREDO

By Rose Novenario

ITINALAGA ni Pres. Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang “housing czar” ng kanyang administrasyon.
Sa kanyang unang press conference ni Robredo bilang Housing czar, nangako siyang pipilitin na matugunan ang 1.5 milyong housing backlog ng gobyerno, kasama rito ang kawalan ng sariling tirahan mga biktima ng kalamidad at informal settlers.
Ayon sa grupong Kadamay, may 1.4 milyong Filipino ang nanganganib na mawalan ng tirahan dahil sa 14 Public-Private Partnership (PPP) projects na inaprubahan ng administrasyong Aquino.
Ibig sabihin, palalayasin ang mga nakatira sa mga lupain ng gobyernong ibinenta sa pribadong sector sa halip na ibenta sa mga residente sa ilalim ng housing program ng gobyerno.
Isa sa malaking hamon kay Robredo ay kung ipag-uutos niya na magkaroon ng special audit sa P10-B inilaan ng administrasyong Aquino noong 2013 para sa relokasyon ng informal settlers sa tabing ilog at estero, kasama na rito ang pamumudmod ng P18.000 sa bawat pamilyang papayag na mabiyayaan ng relokasyon ng National Housing Authority (NHA).
Nilaspag na ng mga politiko ang kalagayan ng mga maralita para maluklok sa puwesto at para makapagnakaw sa gobyerno.
Ang natitirang pag-asa ng mga ordinaryong Pinoy para umangat ang kalagayan ay ang political will ni Duterte na magpatupad ng mga pagbabagong magsisilbi sa kanilang interes.
At kung susuportahan ito ni Robredo at titiyakin ang implementasyon sa pagkakaloob ng disenteng pabahay, saka pa lang niya mapapatunayan na talagang kakampi siya ng mga nasa “laylayan ng lipunan.


***

Bakit patok ang anti-drug war ni Duterte

MISTULANG teleseryeng sinusubaybayan ang pagsisiwalat ni Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa operasyon ng illegal na droga.
Sa mga susunod na araw ay ang 23 alkalde naman ang susunod sa kanyang huhubaran ng mascara, matapos pangalanan ang limang heneral.
Kapansin-pansin na ang estratehiya ni Duterte ay iniisa-isa ang mga protector ng drug syndicate mula sa hanay ng mga unipormado, civilian posts , hanggang humantong sa mga nasa bakuran ng New Bilibid Prisons (NBP) na kinalalagyan ng pabrika ng shabu.
Bago siya naluklok sa Palasyo ay ilang beses na niyang ibinulgar ang operasyon ng shabu laboratory sa Bilibid noong si Sen. Leila de Lima pa ang justice secretary.
Ngayong tinotoo ni Duterte na kampanya kontra-illegal drugs na humahantong na sa Bilibid ay bigla namang paiimbestigahan ni De Lima sa Senado ang sunud-sunod na patayan na may kaugnayan sa droga.
Sabi tuloy ng ilang observer, baka inunahan na ni De Lima si Duterte bago pa siya direktang tumbukin sa Bilibid 19.
Ang Bilibid 19 ang mga drug convict na inilipat ni De Lima sa NBI mula sa Bilibid ng walang court order.
Ginawa ito ni De Lima matapos “mabuko” ang marangyang pamumuhay ng drug convicts na ito.
Ano ba ang mas mabigat na kasalanan, ang pagkakaron ng shabu lab sa panahon ni De Lima bilang justice secretary o ang pagpatay sa mga sabit sa droga sa panahon ni Pres. Duterte?


***


Bukas na ang gate ng DAR para sa mga magbubukid
BINUKSAN na ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano ang gate ng DAR na 18 taon nang sarado.
Sa wakas ay hindi na natin makikita ang mga magsasaka na umula’t umaraw na nagkakampo sa harap ng DAR dahil hindi nila maiparating sa gobyerno ang kanilang mga hinaing.
Ipinangako pa ni Duterte na bago matapos ang Hulyo ay pupulungin niya ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC).
Ang Pangulo ang pinuno ng PARC na nagpapasya sa mga sigalot sa mga usaping agraryo at inaasahan ng lahat na papabor ito ngayon sa interes ng mga magbubukid at hindi ng mga panginoong maylupa.
Sa panahon ng administrasyong Aquino ni minsan ay hindi nagpulong ang PARC.
Bakit nga naman diringgin ng asenderong pangulo ang problema ng mga magbubukid?
Ngayong isang magbubukid na ang DAR secretary, bilang na ang masasayang araw ng sektor ng mga Cojuangco-Aquino.

Read 168 times Last modified on Monday, 11 July 2016 13:03

Leave a comment

Make sure you enter the (*) required information where indicated. HTML code is not allowed.