JoomlaLock.com All4Share.net

Share This Post:

Submit to FacebookSubmit to Google PlusSubmit to TwitterSubmit to LinkedIn
AT YOUR  SERBIS: ANTI-ILLEGAL DRUGS OPS, APRUB SA NPA

By Rose Novenario

 

TINANGGAP ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong sa kanyang pamahalaan sa pagsugposa illegal drugs.

Sa kalatas ng CPP, ipinaalala sa kanilang armadong grupong New People’s Army (NPA) ang umiiral na kautusan na arestuhin, disarmahan ang lahat ng utak ng pinakamalalaking drug syndicates at iba pang
sindikatong kriminal sa bansa at kung manlalaban ay paputukan.

Gaya ni Duterte, alam ng CPP-NPA na ang pinakamalaki at pinaka-notorious na drug traffickers ay matataas na opisyal ng pulisya’t militar na may kasabwat sa local at pambansang burukrasya.

Hindi kasi tulad ng otoridad na pinabayaan lang ang pagkalat ng illegal drugs, maipagmamalaki ng NPA na sa mga pamayanang kntrolado nila, walang nakakapasok ang illegal na droga.

Kaya naman mismong Pangulong Duterte ay bilib sa revolutionary justice na ipinapataw ng NPA sa mga kriminal.

Kapana-panabik matunghayan kung sino ang unang sasampulan ng NPA na drug lord in uniform. Abangan!!!


***

HEALTH CARE SYSTEM NG CUBA, GAGAYAHIN SA ‘PINAS

INUTUSAN ni Pangulong Duterte si Health Secretary Paulyn Jean Ubial na magpunta sa Cuba para pag-aralan ang sistemang pangkalusugan sa nasabing bansa upang maipatupad sa Filipinas.

Ang health care system sa Cuba ang napiling modelo sa buong mundo ng World Health Organization (WHO) sa kabila ng limitado ang kanilang budget bilang mahirap na bansa at mahigit kalahating siglong economic sanctions ng Amerika

Dahil sa US trade embargo ay hindi nakarating sa Cuba ang mga gamot na pangkaraniwang ipinanglulunas ng Western medicine kaya naengganyo ang mga doktor sa Cuba na palaganapin ang paggamit ng complementary at alternative medicines, gaya ng acupuncture, massage at heat therapy.


Libre at sagot ng estado ang pangangailangang pangkalusugan ng mga Cuban, walang pribadong ospital at klinika roon, lahat ay pagmamay-ari ng gobyerno.

Ang bilyun-bilyong kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang gagamitin ni Duterte para sa wakas ay makapagpagamot ng libre ang bawat Filipino.

Para maipakita ang kanyang sinseridad sa layuning ito, ang dapat na unahin ni Pangulong Duterte ay ibasura ang lahat ng kontrata na nagsapribado o nagsailalim sa mga public hospital sa Public-Private Partnership (PPP) Program, gaya ng Philippine Orthopedic Center at Dr. Jose Fabella Hsopital.


***

SINO ANG TAKOT SA ALYANSANG FVR-DUTERTE?

DALAWANG ex-president ang siguradong hindi nakakatulog ng mahimbing dahil sa ibinulgar at kinikilala ni Duterte na mahalagang papel ni dating Pangulong Fidel Ramos sa kanyang pagpapasya at pagwawagi sa nakalipas na eleksyon.

Si dating Pangulong Noynoy Aquino ay alam ng lahat na binatikos ng husto ni FVR sa isyu nang pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano incident.

Nagalit din si FVR kay ex- PNoy dahil ipinakulong ang kanyang malapit na tauhan na si dating PNP chief ret. Gen. Avelino Razon Jr.

Sinabi pa ni ex-PNoy kay FVR na magbigay sa kanya ng memo kung gustong magbigay ng suhestiyon hinggil sa paghawak niya sa Sabah crisis.

Ito namang si ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap” Estrada ay tinawag na ulyanin si FVR nang sisihin ang kanyang all-out war policy sa MILF kaya naunsyami ang kapayapaan sa Mindanao.

Si FVR din ang isa sa mga sinisi si Erap na nagpasimuno sa EDSA 2 na nagpatalsik sa kanya sa Palasyo.

Habang si Erap naman ang sinasabing utak sa pagpatay sa trusted publicist ni FVR na si Salvador “Bubby” Dacer.

Noong inagurasyon ni Pangulong Duterte, bagama’t binanggit sa kanyang talumpati ang presensiya ni Erap ay hindi niya pinansin, pero si FVR ay pinasalamatan pa sa kanyang pagwawagi bilang presidente.

Parehong wala ng asim sina Erap at ex-PNoy sa politika, katunayan ay natalo ang kanilang manok na sina Sen. Grace Poe at Mar Roxas.

Si ex-PNoy ay maaaring makulong dahil sa santambak na kasong isasampa sa kanya ng iba’t ibang grupo habang si Erap nama’y puwede ring bumalik sa selda dahil sa mga anomalya sa kanyang administrasyon sa Maynila.

Siguradong hindi kikilos si FVR para mapigilang mangyari ang naturang senaryo at lalo naman na hindi sasaklolohan ni Pangulong Duterte ang mga taong sabit sa kaso ng korapsyon.

Tsk, tsk, tsk, ang lahat ay may katapusan, lalo na ang pagkagahaman.

Read 154 times Last modified on Monday, 04 July 2016 12:24

Leave a comment

Make sure you enter the (*) required information where indicated. HTML code is not allowed.